Walang pasok sa Hulyo 31 sa probinsya ng Marinduque

BOAC, Marinduque – Walang pasok sa trabaho, sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa Marinduque ngayong darating na Miyerkules, Hulyo 31 sapagkat ipagdiriwang ng probinsiya ang ika-119 na taong anibersaryo ng makasaysayang Labanan sa Paye na may paksang ‘Katatagang Hamon sa Makabagong Panahon Tungo sa Ika-100 Taon ng Lalawigan ng mga Marindukanon’.

Ang Republic Act No. 9749 na nilagdaan ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Nobyembre 10, 2009 ay nagdedeklara na special non-working holiday sa buong Marinduque tuwing ika-31 ng Hulyo ng bawat taon.

Base sa kautusan, kinikilala ng pamahalaan ang pagkapanalo ng mga kawal Pilipino sa Labanan ng Paye na itinuturing na isa sa mga bakbakan kung saan namayani ang mga kawal Pilipino sa higit na armadong mga tropang Amerikano.

“July 31 of every year is hereby declared a special nonworking holiday in the entire Province of Marinduque to commemorate the victory of Filipino revolutionists in the Battle of Paye that took place on July 31, 1900. The provincial government of Marinduque and the Municipal Government of Boac, in coordination with the National Historical Institute, shall lead appropriate and meaningful commemorative programs and activities to be participated in by officials and employees of the national, provincial and municipal government agencies and instrumentalities, and civic, religious, nongovernment, business and civil society organizations, in order to give significance and honor to the heroes and heroines of the Battle of Paye”, ayon pa sa batas.

Ang ilan sa mga gawain para sa paggunita ng Labanan sa Paye ay ang pagsasagawa ng banal na misa sa Lunes, Hulyo 29. Sa mismong kaarawan naman, Hulyo 31 ay magkakaroon ng parada mula sa Balimbing Elementary School patungo sa Sitio Paye, barangay Balimbing na pangungunahan ng PNP Mobile, MNHS Drum & Lyre Corps., at mga panauhin mula sa iba’t ibang sektor ng pamahalaan.

Susundan ito ng pagpaparangal sa mga bayani ng Paye, pagtataas ng watawat ng Pilipinas at mga mensahe mula sa iba’t ibang opisyales ng gobyerno.

Kabilang sa mga inaasahang makikiisa sa paggunita ay sina Cong. Lord Allan Jay Velasco, Gov. Presbitero Velasco, Jr., Fe Corazon Recalde bilang panauhing pandangal at Boac Mayor Armi Carrion. Marinduquenews.com

What's on your mind?

Romeo A. Mataac, Jr.

Chief Correspondent at Marinduque News Network
Romeo is the founder and chief correspondent of MNN. Concurrently, he is a researcher in a leading global professional services company. Myong, as he is fondly called by his friends, is a true Marinduqueno by heart who loves travelling and exploring places.​

Related posts