1 Polish national, natagpuang patay sa tabing-dagat sa Torrijos

TORRIJOS, Marinduque – Natagpuang wala ng buhay ang isang Polish national sa mabatong bahagi ng dalampasigan sa Sitio Ambango, Barangay Kay Duke, Torrijos, Marinduque, Miyerkules ng umaga, Mayo 13.

Ang lalaking dayuhan ay nakilalang si Arkadiusz Marek Mackowiak, 35 anyos, Polish national at turista dito sa Pilipinas.

Base sa report ng Torrijos Municipal Police Station (MPS), habang patungo sa pangingisda si Rizal Rosas, residente ng Barangay Bonliw ng nasabing bayan ay natagpuan nito ang bangkay ng biktima kaya agad niya itong ipinagbigay alam sa mga awtoridad.

Sa paunang imbestigasyon ni PLT Karlo Reavin Manaois ng Provincial Laboratory Crime Office, napag-alaman na halos 72 oras nang wala ng buhay at nasa ‘state of decomposition’ o naaagnas na ang bangkay ng Polish national bago ito natagpuan.

Samantala, sa isinagawang post mortem examination ni Dr. Kris Conrad Manungay, Rural Health Unit Officer, pagkalunod ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Sa panayam naman ng Marinduque News kay PCPT Dennis Mauricio, Acting Chief of Police ng Torrijos MPS, sa kasalukuyan ay pansamantalang nakahimlay ang labi ng biktima sa Torrijos Municipal Cemetery habang inaayos ang mga dokumento upang tuluyan na itong iuwi para mailibing sa Poland. Marinduquenews.com

What's on your mind?

Related posts