Lalaki patay nang malunod sa ilog sa Santa Cruz

SANTA CRUZ, Marinduque – Nasawi ang isang lalaki matapos itong malunod sa ilog na bahagi ng Sitio Malabon, Barangay Napo, Santa Cruz, umaga ng Linggo, Mayo 17.

Kinilala ang biktima na si Roel Ribleza, 23 anyos at residente ng nabanggit na barangay.

Base sa ulat ng Santa Cruz Municipal Police Station, niyaya ng biktima ang dalawa nitong kasama na sina Christopher Revilla, 30 anyos at Arnold Orejenes, 21 anyos pawang residente ng Barangay Napo na magtungo sa kabilang pampang ng ilog upang kumuha ng bunga ng papaya na kakainin nila para sa pananghalian.

Unang tumawid sa ilog sina Revilla at Orejenes, at ligtas naman ang mga itong nakarating sa kabilang pampang.

Subalit habang tumatawid si Ribleza natangay ito ng rumaragsang agos ng tubig bunsod ng malakas na mga pag-ulan nitong nakalipas na mga araw dulot ng Bagyong Ambo.

Pinilit umanong hanapin ang biktima subalit patay na nang ito ay matagpuan. Marinduquenews.com

What's on your mind?

Related posts