BOAC, Marinduque – Sa pakikiisa sa pag-arangkada ng Business One Stop Shop (BOSS) program sa lalawigan, mas pinadali ng Department of Trade and Industry (DTI)-Marinduque ang pagrehistro ng ‘business name’ para sa mga micro small medium enterprises (MSMEs).
Ayon kay Roniel Macatol, Officer-In-Charge-Provincial Director ng DTI-Marinduque, makatutulong ang BOSS upang mapalapit ang serbisyo sa mga business-owner, mapagbuti ang Ease of Doing Business at mabawasan ang red tape.
Dahil dito, naglagay ng Negosyo Center o booth ang DTI sa anim na bayan na bukas Lunes hanggang Biyernes, 8:00 a.m – 5:00 p.m simula Enero 4 at tatagal hanggang Pebrero 15.
Sa mga bayan ng Boac, Mogpog, Torrijos at Gasan, matatagpuan ang Negosyo Center sa kanilang Licensing Offices, hanapin lamang sina Christine Villanueva (para sa Boac), Lessiedhel Murillo (Mogpog), Melody Postrado (Torrijos) at Adora Mae Macapugay, focal person sa bayan ng Gasan samantalang nasa Tourism Office naman matatagpuan ang Negosyo Center sa Santa Cruz kung saan maaaring magpatulong kay Erick Reinhard Privado habang sa Buenavista ay kay Cheriz Mawac na ang tanggapan ay matatagpuan malapit sa Assessor’s Office.
Gayundin, ang ‘business name services’ ay maaaring ma-access online, bisitahin lamang ang website na www.bnrs.dti.gov.ph upang mairehistro ang pangalan ng negosyo. Mabilis na rin ang pagbabayad ng ‘registration fee’ sapagkat tumatanggap na sila ng payment gamit ang GCash at PayMaya application. – Marinduquenews.com
- Media workers welfare bill pasado na sa huling pagbasa sa Kamara - January 22, 2021
- Health protocols, guidelines ng IATF istriktong ipinatutupad ng Mogpog LGU - January 20, 2021
- Buenavista Vice Mayor Siena pumanaw na sa edad na 45 - January 20, 2021