Media workers welfare bill pasado na sa huling pagbasa sa Kamara

BOAC, Marinduque — “Wala nang makapang-aabuso sa mga manggagawa sa media kapag naging ganap nang batas ang Media Workers Welfare Bill.”

Tiwala si ACT-CIS Partylist Representative Rowena Niña Taduran na mabibigyan na ang lahat ng manggagawa sa media ng karampatang proteksyon at seguridad sa kanilang trabaho makaraang maipasa ang Media Workers Welfare Bill sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa botong 218-0-0, pinabilis ng Kongreso ang pagsasabatas ng panukala ni Taduran.

Ang pinagsamang House Bill 8140, na nagsimula bilang House Bill 2476 at inakda ni Taduran, ang magpapabago sa kalakaran ng industriya ng media dahil makasisiguro na ang mga mamahayag, nagtatrabaho sa teknikal at iba pang manggagawa sa media na mayroon silang proteksyon sa kanilang trabaho.

Ang pagbibigay ng kapangyarihan at proteksyon sa mga miyembro ng Ika-Apat na Estado ay mas makakapagpapahusay sa pagbibigay ng katotohanan at impormasyon ng mga nasa media, ayon sa
House Asst. Majority Leader.

“Tapos na ang panahong walang kasiguruhan ang isang taga-media sa kanyang trabaho. Hindi na rin puwedeng abusuhin ang kanyang kakayahan at karapatan. Hindi na rin siya puwedeng takutin na tatanggalin kahit anong oras,” ani Taduran.

“Hindi na rin ipapaubaya sa kapalaran ang buhay ng isang mediaman dahil bibigyan siya ng proteksyon sa laban. Magkakaroon siya ng tamang gamit, mababayaran ng tama, at may insurance para sa kanyang delikadong trabaho,” dagdag ng mambabatas.

Pinasalamatan din ni
Taduran ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pamumuno ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco, dating House Speaker Allan Peter Cayetano, Majority Leader Martin Romualdez, Congressman Eric Pineda na Chairman of the House Committee on Labor and Employment, Subcommittee Chairman Representative Democrito Mendoza, at ang kanyang co-author sa ACT-CIS, na sina Congressman Eric Yap at Congresswoman Jocelyn Tulfo sa kanilang suporta at dagliang aksyon sa pagpapasa ng panukalang batas.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang mambabatas sa mga dating mediamen at ngayon ay PCOO Secretary Martin Andanar at Presidential Task Force on Media Security Undersecretary Joel Egco, gayundin sina Asst. Secretary Kris Ablan at Undersecrerary Jing Paras sa kanilang walang sawang pagsuporta sa panukalang batas.

Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng manggagawa sa media ay bibigyan ng suweldong naaayon sa batas, magkakaroon ng security of tenure o hindi basta tatanggalin sa trabaho, makakakuha ng overtime at hazard pay, kasama pa ang insurance at iba pang benepisyo.

Ang lahat ng manggagawa sa media na naka-assign para mag-cover sa mapanganib na pangyayari ay bibigyan ng dagdag na ₱500 na bayad kada araw ng coverage.
Bibigyan din ng death at disability benefits na nagkakahalaga ng ₱200, 000 ang maaapektuhang manggagawa sa media.

Kailangan ding mayroong kagamitan na ibibigay ang kumpanya para sa proteksyon ng manggagawa sa media tulad ng bullet proof vest at helmet at medical grade personal protective equipment sa mga mapanganib na coverage.

“Marami pa rin kasi sa industriya ng media ang underpaid at kinokontrata lang ang serbisyo. Wala silang mga benefits at nanganganib na matanggal kahit anong oras. Kapag lumalabas at magko-cover, wala man lang sapat na gamit para sa proteksyon. This bill will be their shield,” ayon kay Taduran.

Si Taduran ay dating TV at radio broadcaster bago naging miyembro ng House of Representatives. Marinduquenews.com

What's on your mind?

Related posts