Municipal health officer ng Boac, nasawi sa aksidente sa motorsiklo

BOAC, Marinduque — Nasawi ang municipal health officer ng bayan ng Boac na si Dr. Joselito G. Awat, matapos maaksidente ang sinasakyan nitong motorsiko sa Barangay Bantad, Sabado ng gabi, Nobyembre 6.

Base sa imbestigasyon na isinagawa ng Boac Municipal Police Station (MPS), bandang alas 7:15 ng gabi habang binabagtas ni Awat ang Barangay Bantad patungo sa direksyon ng Boac town proper nang aksidenteng sumabit ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang Honda civic na nakaparada sa gilid ng daan.

Itinakbo sa Marinduque Provincial Hospital ang manggagamot subalit idineklarang dead on arrival dahil sa traumatic brain injury.

Agad namang bumuhos ang pakikidalamhati ng mga netizen sa hindi inaasahang pagkawala ng doktor.

Maging si Mayor Armi Carrion ay nagpaabot din ng pakikiramay.

“Labis akong nalulungkot sa pagkawala ni Dr. Awat, hindi ako makapaniwala. Wala siyang araw na pinipili kahit Sabado at Linggo, makapag serbisyo lamang sa mga Boakenyo. Para akong napilayan,” anang alkalde.

Si Dr. Awat ay kasalukuyang nagsisilbi bilang rural health officer ng munisipalidad ng Boac. Siya ay 63 taong gulang. — Marinduquenews.com

What's on your mind?

Related posts