Libreng serbisyong medikal, binuksan sa Mogpog

MOGPOG, Marinduque — Tuluy-tuloy sa pag-arangkada ang programang libreng serbisyong medikal na hatid ng tanggapan ng pangalawang punong panlalawigan ng Marinduque.

Kamakailan ay personal na nagtungo sa Barangay Mangyan-Mababad at Malusak sa bayan ng Mogpog si Vice Gov. Romulo Bacorro, Jr upang magsagawa ng medical mission.

Nabigyan ng prebilehiyong libreng check-up at konsultasyon, libreng gamot, cautery, at minor surgery operations ang mga residente roon na may mga iniindang karamdaman.

Bukod dito, nakapag hatid din ng libreng hilot massage, mga tungkod para sa mga senior citizens at napagkalooban din ng ilang kagamitan ang mga Barangay Health Workers (BHW) at mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) doon.

Ayon kay Bacorro, bukas umano sa kahit na sinuman ang nasabing proyekto dahil layon lamang nilang mabigyan ng libreng serbisyong medikal ang mga mahihirap sa lalawigan. — Marinduquenews.com

Eleazar N. Selda, Jr.

Related posts