Marinduque, isinailalim na rin sa Alert Level 3

BOAC, Marinduque — Isa ang lalawigan ng Marinduque sa 28 lungsod at probinsya na idinagdag ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa listahan ng mga lugar sa ilalim ng mas mahigpit na alert level 3.

Ito ay base sa ipinahayag ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexie Nograles sa isang press briefing kamakailan.

Ayon kay Nograles, epektibo ang naturang alert level status simula Enero 16 at tatagal hanggang Enero 31.

Matatandaan na una nang isinailalim sa alert level 3 ang mga bayan ng Boac at Buenavista noong Enero 11 matapos ang rekomendasyon ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) on Emerging Infectious Diseases at Regional Task Force (RTF) Againts COVID-19.

Sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office (PHO), aabot na sa 3,800 ang kaso sa Marinduque habang 74 dito ang aktibo.

Samantala, malugod namang ibinalita ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. na mula sa 169,694 na target mabakunahan sa buong lalawigan ay umabot na sa 75 porsiyento o 126,074 indibidwal ang nakakompleto ng bakuna laban sa COVID-19. — Marinduquenews.com

Related posts