12 anak ng mga mangingisda sa Marinduque, nasungkit ang BFAR scholarship

BOAC, Marinduque — Bumida ang 12 anak ng mga mangingisda sa Marinduque makaraang makapasa sa national qualifying examination na alok ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Nakuha ni Anne Janette Sotto mula Buenavista National High School ang pinakaunang pwesto sa lahat ng nagsulit. Kabilang din sa nakapasok sina Jasmine Joy Jandulong, Jhaness Cha, Angel Salvoro, Jevens Falcan, Mariella Bayer, Warren Dela Cruz, Jernel Sabucuhan, Mhark Joshua Vidal, Jhun Luna Francisco III, Bernadette Ornos at Jerryco Briquillo.

Ayon kay Krizza Roumae M. Asilo, focal person ng Fisheries Scholarship Program ng BFAR-Mimaropa, mula sa 16 na mag-aaral na kumuha ng pagsusulit sa Marinduque State College noong Nobyembre 6, labindalawa rito ang nakapasa sa ilalim ng Fisherfolk Children Education Grant (FCEG) program.

Aniya, ang FCEG ay isang programa ng kanilang ahensya na layong mabigyan ng libreng matrikula at iba pang insentibo ang anak ng mga rehistradong mangingisda sa bansa.

Listahan ng mga mag-aaral na nakapasa sa katatapos lamang na national qualifying examination handog ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. (Larawan mula sa BFAR-Mimaropa)

“Ito po ay programa ng BFAR na nagbibigay ng full scholarship sa mga mag-aaral na kukuha ng Bachelor of Science (BS) in Fisheries,” pahayag ni Asilo.

Ang mga pasado ay makatatanggap ng full scholarship grant, libreng miscellaneous at school fees.

Bibigyan din sila ng P5,000 buwanang stipend, P2,000 book allowance sa bawat semestre, P2,000 na one-time relocation allowance, P2,000 na one-time uniform allowance, P7,000 para sa research at thesis papers at P4,500 na suporta para sa kanilang graduation at on the job training (OJT).

Umaasa ang BFAR na ipagpapatuloy ng mga scholar ang BS Fisheries sapagkat isa umano itong magandang kurso na makatutulong sa pagpapayaman ng sektor ng pangisdaan hindi lamang sa rehiyon bagkus ay sa buong Pilipinas. — Marinduquenews.com

Related posts