Buenavista Bagoong Producers, tumanggap ng mga kagamitan mula DTI

BUENAVISTA, Marinduque — Pormal nang ipinagkaloob ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga kagamitan sa paggawa ng patis at bagoong sa isang kooperatiba sa bayan ng Buenavista, kamakailan.

Sa ilalim ng programang Shared Service Facility (SSF) ng DTI ay ibinigay sa Buenavista Bagoong Producers Multi Purpose Cooperative (BBPMPC) ang mga ‘equipment tools’ na may kabuuang halaga na P760,000.

Ayon kay Roniel Macatol, OIC provincial director ng DTI-Marinduque, napili ang BBPMPC bilang benepisyaryo ng Shared Service Facility Program sapagkat napagyaman at naipagpatuloy ng mga miyembro nito ang operasyon ng samahan.

“Sa araw pong ito ay opisyal nang iginagawad at ipinapasa ng DTI ang pagmamay-ari ng mga kagamitang ito sa inyong kooperatiba sapagkat napatunayan po namin, na ito ay napakinabangan na, hindi lamang ng mga bumubuo sa BBPMPC bagkus ay nang buong komunidad,” ani Macatol.

Kabilang sa mga kagamitang ipinagkaloob sa nasabing organisasyon ay ang 5 yunit ng fermentation vat, tig-dalawang yunit ng grinder at mixing vat, 10 pirasong round container, 1 yunit ng portable salt refractometer, tig-20 pirasong styrofoam at container drums at 2 yunit ng capping o sealing machine.

Nagbigay rin ang DTI ng 10 rolyong plastic seal, tig-isang yunit ng jet water pump at water tank, 2 yunit ng stainless steel knockdown sink tables at 24 stages na DOH accredited water purification system.

Lubos naman ang pasasalamat ni Matilde Fatalla, chairperson ng BBPMC sa mga kagamitang ipinagkaloob sa kanila ng ahensya. Marinduquenews.com

Related posts