Unang lalaking centenarian sa Marinduque, tumanggap ng P80K

BOAC, Marinduque — Ginawaran ng cash incentive ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang 100-anyos na lolo buhat sa Barangay Balogo, Boac, kamakailan.

Personal na iniabot ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. kay Esteban Mansia, Sr. ang pinansyal na insentibo na nagkakahalaga ng P80,000 kasama na ang plaque of appreciation at regalo.

Ayon kay Velasco, si Mansia ang kauna-unahang naitalang lalaki na nakaabot ng isandaang taon sa lalawigan.

“Si Lolo Teban at ang kanyang pamilya ay nagbigay sa atin ng inspirasyon upang maipagpatuloy ang pagpapatupad ng makabuluhang serbisyo para sa ating mga kababayan,” pahayag ng gobernador.

Si Mansia na ipinanganak noong Disyembre 26, 1921 ay nagsilbi bilang barangay kagawad, teniente del barrio at kapitan ng barangay sa loob ng humigit apat na dekada.

Ilan umano sa kanyang mga sikreto kaya nananatili siyang malusog ay dahil hindi siya kumakain ng karne, laging masiyahin at palakaibigan.

Samantala, inaasahan namang makatatanggap din si Lolo Teban ng iba pang insentibo katulad ng P100,000 cash incentive mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kapag nakumpleto na nito ang mga kaukulang dokumento sang-ayon sa itinadhana ng Republic Act No. 10868 o ang Centenarian Act of 2016. — Marinduquenews.com

Related posts