Gov. Velasco, nadawit sa isang viral post

BOAC, Marinduque — Nadawit sa isang viral post si Marinduque Gov. Presbitero Velasco, Jr. kung saan ay napagkamalan ito ng mga netizen bilang ang aktor na si Phillip Salvador.

Narito ang kabuuan ng detalyeng inilabas ng Fact Checker Team ng Rappler na may pamagat na, ‘HINDI TOTOO: Phillip Salvador nagpasalamat sa tulong ni Marcos Jr. kay Kris Aquino.’

BUOD

Ang sabi-sabi: Nagpasalamat ang artistang si Phillip Salvador kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa tulong nito sa dating kasintahan ni Salvador na si Kris Aquino.

Marka: Hindi Totoo

Ang katotohanan: Hindi si Phillip Salvador ang nasa larawan na ipinakita sa video. Larawan ito ng pag-uusap nina Marcos at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr.

Bakit kailangan i-fact-check: Nang isulat ang fact-check na ito, mayroon nang mahigit 40,000 reaksiyon, 2,400 comments, at 438,000 views ang video sa Facebook.

MGA DETALYE

Isang post noong Enero 26 mula sa Facebook page “LSA Vlog” ang nagsasabing nagpasalamat ang artistang si Phillip Salvador kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa tulong nito sa dating kasintahan ni Salvador na si Kris Aquino.

Nakalagay sa caption ng post ang linyang, “Labis ang pasasalamat ni Philip salvador kay Bongbong marcos, sa pagtunong (sic) nito kay Kris Aquino.”

Ilang beses na ipinakita sa video ang isang larawan ni Marcos na nakikipag-usap umano kay Salvador tuwing nababanggit ang artista.

Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 40,000 reaksiyon, 2,400 comments, at 438,000 views ang video sa Facebook.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ang larawan na ipinakita sa video ay kuha mula sa isang pre-State of the Nation Address meeting na ginanap sa bahay ni Senator Imee Marcos kasama ang ilang congressmen at local political leaders na sumusuporta sa pagtakbo ni Marcos Jr. noong Hulyo 25, 2021.

Ang kausap ni Marcos Jr. sa larawan ay si League of Provinces president at Marinduque Governor Presbitero Velasco, Jr.

Pinag-usapan sa nasabing pagtitipon ang pagtakbo ni Marcos Jr. sa 2022 presidential election. Kasama rin sa nasabing pagtitipon sina Narvacan, Ilocos Sur, Mayor Chavit Singson at Isabela Governor Rodito Albano.

Samantala, nagpaalala naman ang online news platform sa mga netizen na maaaring magbahagi kung may nakikitang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send lamang aniya ang mga ito sa factcheck@rappler.com.

Dagdag ng Rappler, sa bawat fact check, kayang labanan ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon. — Marinduquenews.com

Marinduque News

Related posts