Children’s library sa Gasan, pormal ng pinasinayaan

GASAN, Marinduque — Opisyal nang pinasinayaan nina ACT-CIS Party-list Representative Rowena Niña Taduran at Mayor Victoria Lim ang bagong children’s library sa Barangay Mahunig, Gasan kamakailan.

Ayon kay Taduran, karapatan ng bawat bata na mabigyan ng pagkakataon na makapaglaro at matuto sa isang maayos at disenteng pasilidad kaya pinagsumikapan nilang maitayo ang gusali.

“Patuloy tayong magsisikap at tutulong upang maibigay ang magandang kinabukasan para sa ating tagapagmanang kabataan. Sa pamamagitan ng silid-aklatan na ito na may lugar din para sa recreational activities ay maililihis ang atensyon ng mga bata sa kung anu-anong bisyo gayundin, makakapag-focus sila sa pag-aaral at tamang pakikipagkapwa-tao,” pahayag ng kongresista.

Ang nasabing children’s library na air-conditioned ay may recreational hall din kung saan ay maaaring makapaglaro at maglibang ang mga bata.

P7 milyon ang kabuuang pondong inilaan dito na nagmula sa ‘regular fund’ ng mambabatas.

Umaasa si Taduran na sa mga susunod na buwan ay mailalagay na ang mga libro, iba pang babasahin at kagamitan na tiyak makatutulong ng malaki para mapaunlad ang leadership at literacy skills ng mga kabataan sa naturang pamayanan. — Marinduquenews.com

Related posts