Marinduque, binaba na sa alert level 1

BOAC, Marinduque — Kasama ng Metro Manila at 37 iba pang mga lugar sa bansa, isasailalim na rin ang probinsya ng Marinduque sa alert level 1 simula Marso 1 hanggang Marso 15.

Ito ang ipinahayag ni Acting presidential spokesperson at Cabinet secretary Karlo Nograles nitong Linggo.

Aniya, pinagbatayan sa nasabing hakbang ang patuloy na pagbaba ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa rehiyon.

Sa ilalim ng alert level 1, maraming negosyo na ang papayagang buksan at papayagan na rin ang mas maraming kapasidad o full capacity sa mga establisyemento.

Sinabi naman ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. na nakahanda ang pamahalaang panlalawigan sa mangyayaring pagluluwag ng quarantine restrictions sa bansa kasabay ng panghihikayat nito sa mga mamamayan na magpabakuna na ang lahat gayundin ang pagpapaalala sa pagpapanatili at pagsunod sa mga health protocol.

Base sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office (PHO), aabot na sa 4,333 ang kaso ng COVID-19 sa Marinduque habang apat na lamang dito ang aktibo. — Marinduquenews.com

Related posts