Ika-102 taong pagkakatatag ng Marinduque, ipinagdiwang

BOAC, Marinduque — Ipinagdiwang nitong Lunes, Pebrero 21 ang ika-102 taong pagkakatatag ng Marinduque bilang isang hiwalay at malayang probinsya mula sa lalawigan ng Quezon.

Inumpisan ang gawain sa pamamagitan ng isang banal na misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Alexander Llante at dinaluhan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. at mga kawani ng pamahalaang panlalawigan.

Sinundan ang selebrasyon ng pag-aalay ng bulaklak sa Bantayog ng Wika at Centennial Monument kung saan ay nagbigay ng maikling mensahe ang gobernador para sa mga empleyado at opisyal ng kapitolyo.

“Sa pagdiriwang natin ng Araw ng Marinduque, nawa’y mapagtibay nito ang ating pangako na gawin ang lahat ng makakaya para sa ating mga kababayan. Na sa gitna ng mga pagsubok at pandemya ay buo ang ating mithiin na unahin ang kapakanan ng mga mamamayang ating sinumpaang pagsisilbihan,” ani Gov. Velasco.

Pagkatapos ng wreathlaying ceremony ay isinagawa ng gobernador ang Ulat sa Lalawigan gayundin ang pagbibigay ng Sertipiko ng Pagkilala sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at sibikong organisasyon na naging katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa nakalipas na mga taon sa pagbibigay ng makabuluhang serbisyo at programa para sa mga Marinduqueno.

“Kung tayo po ay magtutulungan, walang mahirap gawin dahil kapag nagsasama-sama, tiyak makikita natin ang pag-asenso ng ating probinsya sa mga susunod na taon,” anang panlalawigang punong ehekutibo.

Nagbigay din ng inspirational message si Bokal Adeline Angeles at Speaker Lord Allan Jay Velasco na kinatawan ni Provincial Administrator Vincent Michael Velasco.

Kinahapunan, isinagawa naman ang pagpapasinaya sa Marinduque Celadon Jar bilang isang national cultural treasure kung saan ay permanente na itong mamamalagi sa Pambansang Museo na matatagpuan sa bayan ng Boac. — Marinduquenews.com

Related posts