Libreng pagsasanay sa theoretical driving, gagawin sa Marinduque

BOAC, Marinduque — Umabot sa 300 indibidwal ang nagparehistro para sa libreng theoretical driving course training na inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa pakikipagtulungan sa Land Transportation Office (LTO) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ayon kay Gov. Presbitero J. Velasco, Jr. na tumatayo ring chairman ng Provincial Technical Education Development Skills Committee, nakita n’ya ang pangangailangan ng mga mamamayan sa driving course bunsod ng mahal na singil sa mga pribadong driving school.

Dagdag pa ng gobernador, layunin ng pagsasanay na mapalawig ang bilang ng mga responsableng drayber ng mga pampubliko at pribadong sasakyan lalo na ang mga kabataang nagmamaneho ng motorsiklo na hindi lisensyado.

“Nakipag-ugnayan po tayo sa TESDA at LTO upang makapagsagawa ng ganitong libreng training para matulungan na maging responsableng driver ang ating mga kababayan lalo na iyong mga wala pang lisensya,” pahayag ni Velasco.

Lubos naman ang pasasalamat ng panlalawigan punong ehekutibo sa mga katuwang na ahensya para maisakatuparan ang nasabing makabuluhang serbisyo para sa mga mamamayan. — Marinduquenews.com

Related posts