Monitoring sa mga ‘substandard’ na produkto, isinagawa ng DTI sa Boac

BOAC, Marinduque — Masinsinang nagsagawa ng monitoring activities laban sa mga uncertified at non-conforming o substandard na mga produkto ang Department of Trade and Industry (DTI)-Marinduque sa 28 establisyemento sa bayan ng Boac, kamakailan.

Pangunahing tiningnan ng Provincial Monitoring and Enforcement Team (PMET) ang mga produktong sakop ng Bureau of Philippine Standards (BPS) mandatory certification kagaya ng household appliances, steel products, plastic pipes & ceramic products, consumer electronics, lighting & wiring devices, cement & other construction materials, chemical products, automotive related products at iba pang consumer products.

Ayon sa DTI-Marinduque layon ng gawain na matiyak na nakapasa sa quality standard ang mga produkto na nabibili ng mga consumer sa mga palengke at iba pang business establishments.

Kaakibat din aniya ng kanilang ginawang monitoring ay ang siguraduhin na ang lahat ng produktong ibinebenta partikular ang electrical at home appliances ay silyado at may marka ng Philippine Standard (PS) Certification o Import Commodity Clearance (ICC) sticker.

Tiniyak naman ng tanggapan na patuloy nilang susubaybayan ang iba pang establisyemento upang mas mapalawig ang kredibilidad ng naturang mga negosyo gayundin para masiguro ang kalidad ng mga produkto na ihahatid sa bawat mamimili. — Marinduquenews.com

Marinduque News

Related posts