Libreng gupit, manicure handog ng PENRO-Marinduque sa mga kababaihan

BOAC, Marinduque — Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng International Women’s Month, naghandog ng libreng pangrelax at pampaganda para sa mga kababaihan ang Provincial Environment and Natural Resources (PENRO)-Marinduque, kamakailan.

Ayon kay Imelda M. Diaz, provincial environment and natural resources officer, layunin ng gawain na bigyang pagkilala ang kontribusyon ng mga empleyadong babae at mga kliyente ng kanilang ahensya.

“Bilang pagpupugay sa sektor ng kababaihan, nagkaroon po tayo ng aktibidad kung saan ay naghandog ang tanggapan ng libreng manicure at pedicure para sa ating magigiting na Juana,” ani Diaz.

Maliban sa mga kababaihan, nag-enjoy rin ang mga kalalakihan at ang mga senior citizen sa alay na libreng gupit at masahe ng DENR.

“Hindi lamang si Juana ang ating sinerbisyuhan, pati na rin si Juan dahil malaki rin ang ginagawa nilang gampanin para sa ating mga kababaihan,” dagdag ng opisyal.

Ang programa ng PENRO-Marinduque na Serbisyo Para Kay Juana at Juan ay alinsunod sa Proklamasyon Bilang 224 kaakibat ang Linggo para sa Kababaihan, Araw ng Karapatan ng Kababaihan at Pandaigdigang Kapayapaan kung saan ang tema ngayong taon ay ‘We Make Change Work for Women’ na binuo at inumpisahang gamitin noong 2017. — Marinduquenews.com

Related posts