DTI, nagsagawa ng ‘skills upgrading training’ sa mga tindera ng kakanin sa Marinduque

BOAC, Marinduque — Sa muling pag-usbong ng ekonomiya sa Marinduque, nagsagawa ang Department of Trade and Industry (DTI) ng libreng ‘skills upgrading training’ para sa mga tindera at gumagawa ng kakanin gayundin ng mga lokal na produkto kagaya ng basket.

Pinangunahan ng DTI Negosyo Center Boac at Torrijos ang makabuluhang pagsasanay para sa mga lokal na manggagawa ng ipinagmamalaking kakanin at basket products.

Aktibong nakilahok ang sampung kakanin prodyuser sa Barangay Tanza, Boac habang mayroong 15 handicraft makers ng Sibuyao Sustainable Livelihood Program Association ang nakadalo sa Barangay Sibuyao, Torrijos.

Naisakatuparan ang gawain dahil sa pakikipag-ugnayan ng DTI at Negosyo Center sa lokal na pamahalaan ng dalawang bayan.

Ayon sa ahensya, mahalaga ang skills-upgrading training upang mabigyang kabuhayan ang mga mamamayan at para mas mapalakas ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapakilala sa mga lokal na produkto.

Lubos namang nagpasalamat sa DTI ang mga dumalo sapagkat naging epektibong manggagawa aniya sila at naging malikhain sa paggawa ng mga produktong maipagmamalaki ng probinsya. — Marinduquenews.com

Charmaine L. Magalang

Related posts