P5,000 dagdag honararium ng mga BHW sa Marinduque, inirekomenda

BOAC, Marinduque — Pormal na inirekomenda ni Gov. Presbitero Velasco Jr. sa Sangguniang Panlalawigan (SP) na dagdagan ng P5,000 ang ‘honararium’ ng mga barangay health worker (BHW) sa buong probinsya.

Sa pamamagitan ng isang liham na ipinadala ni Velasco sa SP partikular sa Commitee on Appropriations, sinabi nito na panahon na para itaas ang honararyum o sweldong natatanggap ng isang BHW.

“Bilang pagkilala sa kanilang natatanging pagtugon sa hamon ng pandemya sa kabarangayan at pagiging maaasahang lingkod bayan, inirekomenda ng inyong lingkod kay Bokal Adeline Angeles, chairperson ng Committee on Appropriations at Bokal Theresa Caballes, chairperson ng Committee on Social Services na dagdagan ang matatanggap na honorarium ng mga barangay health workers,” ani Velasco.

Dagdag pa ng gobernador, batid n’ya ang hirap ng serbisyo at sakripisyo ng mga BHW na nagsilbi at naging kaagapay ng mga medical at barangay frontliners sa panahon ng pandemya hanggang sa pagbabakuna sa mga komunidad.

Batay sa panukala ni Velasco, mula sa dating P4,000 ay gagawing P9,000 ang buwanang honararium ng isang barangay health worker.

Samantala, nagpasalamat din ang punong panlalawigan sa lahat ng mga BHW sa kanilang hindi matatawarang paglilingkod sa mga mamamayan. — Marinduquenews.com

Charmaine L. Magalang

Related posts