MSC, tumanggap ng parangal mula sa Philippine Quality Award

BOAC, Marinduque — Nakamit ng Marinduque State College ang isang pinakaprestihiyosong karangalan matapos igawad ng Philippine Quality Award (PQA) ang Recognition for Commitment to Quality Management o Level 1 sa ginanap na ika-24 na Assessment Cycle Conferment Ceremony kamakailan.

Ayon kay Dr. Diosdado P. Zulueta, pangulo ng MSC, ang kanilang institusyon ay lumikha ng kasaysayan sapagkat ito ang kauna-unahang state universities and colleges (SUC) sa buong rehiyon ng Mimaropa na naitanghal bilang PQA awardee.

“(This is not just a trophy but a testament that we have fulfilled our vision through the effort of every MSCians), Ito ay hindi lamang tropeo bagkus ay isang testamento na nagpapatunay na natupad natin ang ating pangarap sa pamamagitan ng pagsisikap ng bawat MSCians,” ani Zulueta.

Dagdag ng presidente ng kolehiyo, patuloy nilang itinataguyod ang isang pamamahala na naaayon sa internasyunal na pamantayan.

Isinusulong din aniya nila na maging ganap na unibersidad ang MSC at tuluy-tuloy sa adhikaing magkaroon ng ganap na pagkilala ang mga isinasagawang pagsisikap para sa kalidad na edukasyon.

Ang Philippine Quality Award ay ang pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob sa mga pampubliko o pribadong organisasyon at iba pang stakeholder upang kilalanin ang kahusayan sa maayos na pamamahala ng bawat institusyon. — Marinduquenews.com

Charmaine L. Magalang

Related posts