Institutional Registration, isinagawa sa kapitolyo ng Marinduque

BOAC, Marinduque — Nakipag-ugnayan ang pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa pangunguna ni Gov. Presbitero Velasco Jr. sa Philippine Statistics Authority (PSA) para magsagawa ng institutional registration sa mga empleyado ng kapitolyo.

Ito ay alinsunod sa nilagdaang Executive Order No. 162 noong Pebrero 14, 2022 ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ang National ID ang magsisilbing proof of identity sa lahat ng serbisyo ng tanggapan ng gobyerno maging sa mga pampribadong transaksyon.

“Kinausap ko po si Gemma Opis, ang Chief Statistical Specialist ng PSA dito sa Marinduque para makapagsagawa sila ng institutional registration na bukas lamang para sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan,” ani Velasco.

Sa paglalapit aniya ng serbisyo ng PSA sa kapitolyo, hindi na kailangang lumiban pa ng mga empleyado sa trabaho o pumila sa mga Registration Center na nakatalaga sa bawat munisipyo.

Hinihikayat din ng gobernador ang bawat mamamayan ng lalawigan na magparehistro sa National I.D dahil malaki umano ang maitutulong nito, mapapribado man o pampublikong transaksyon. — Marinduquenews.com

Eleazar N. Selda, Jr.

Related posts