Mga kabataan sa Mogpog, sumailalim sa DRRM Training

MOGPOG, Marinduque — Nagsagawa ng tatlong araw na Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Training para sa mga kabataan ang lokal na pamahalaan ng Mogpog sa lalawigan ng Marinduque, kamakailan.

Pinangunahan ng Local Youth Development Office (LYDO) kaisa ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRDMO) ng nasabing bayan ang aktibidad na dinaluhan ng mga kabataan mula sa 37 barangay.

Layunin ng gawain na palakasin ang pakikiisa ng mga kabataan sa pagtugon sa mga pangangailangang pangmadalian, tulad ng mga paunang-lunas, paghahanda sa oras ng kalamidad, at pagresponde tuwing may sakuna.

Ayon kay Ron Ron Livelo, Local Youth Development Officer ng Mogpog, naniniwala siya na mahalaga ang papel ng bawat kabataan at malaki ang maitutulong nito sa bawat barangay sa oras ng sakuna o aksidente.

Nakatakda namang isagawa ang iba pang mga pagsasanay para sa naturang gawain at ang opisyal na pagbubuo ng Barangay Youth Disaster Support Group (BYDSG) sa susunod na buwan. — Marinduquenews.com

Rjay N. Montenegro
Latest posts by Rjay N. Montenegro (see all)

Related posts