Sasakyan ng kandidatong bokal, nabangga ng motorsiklo sa Torrijos

TORRIJOS, Marinduque — Nasa ospital ngayon at ginagamot ang isang 34-anyos na lalaki matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang Isuzu pickup sa Sitio Yamog, Barangay Tigwi, Torrijos bandang alas 5:30 kaninang hapon.

Ayon kay Police Captain Van Constantino, acting chief of police ng Torrijos Municipal Police Station, kinilala ang drayber ng motorsiklo na si Wilfred Fadrilan, residente ng nasabing barangay habang ang drayber naman ng pickup ay si Jeric Red, 30 anyos, nakatira sa Brgy. Maharlika, Santa Cruz.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nag-overtake ang motorsiklo na naging sanhi ng pagbangga nito sa papalapit na pickup.

Si Fadrilan ay isinugod sa Marinduque Provincial Hospital dahil sa malubhang tama nito sa kamay.

Nabatid na ang Isuzu pickup ay pag-aari ni Danilo Red, kumakandidato sa pagka-bokal sa ikalawang distrito ng lalawigan na magtutungo sana sa bayan ng Buenavista nang mangyari ang insidente. — Marinduquenews.com

Related posts