Pagsasanay para sa Commodity Investment Plan, idinaos ng DA sa Marinduque

BOAC, Marinduque — Matagumpay na naisagawa ng Department of Agriculture (DA) sa Boac Hotel sa lalawigan ng Marinduque ang isang workshop hinggil sa Municipal Commodity Investment Plan (MCIP) at Provincial Commodity Investment Plan (PCIP), kamakailan.

Ito ay bilang paghahanda para sa implementasyon ng Provincial Agriculture and Fishery Extension System (PAFES) o sa buong pag-iimplementa ng Mandanas-Garcia Ruling.

Ang Commodity Investment Plan (CIP) ay isang mahalagang proseso sa pagpili ng mga commodity na tututukan at bibigyang prayoridad. Ito ang magiging basehan sa pagbibigay ng interventions o proyektong makatutulong na nakabatay sa prioritized commodities ng bawat munisipyo at probinsya.

Bukod dito, ang resulta nito ay ang magiging basehan sa Mapping-Out ng Collaborative Province-Lead Agricultural and Fishery Extension Program (CPAFEP) kung saan ito ang huling phase para sa implementasyon ng PAFES.

“Napakahalaga ng ating pagbabalangkas ng CIP sapagkat ito ay isang mahalagang sangkap sa darating na Mandanas-Garcia Ruling sa taong 2023. Yakapin natin ang kahalagahan ng pagpaplanong gagawin kasi kung wala ito ay di tayo uusad,” ani Engr. Elmer T. Ferry, Regional Technical Director for Operations ng DA-Mimaropa at PAFES Focal Person.

Ayon din kay RTD Ferry, isang napakalaking pakinabang ng priority commodity program ay ang pagkakaroon ng siguradong buyer. Hindi na magtatanim o mag-aalaga ang mga magsasaka at mangisda ng produktong wala namang kasiguraduhang merkado.

Sa kabilang banda, nagkaroon din ng diskusyon kasama ang Agricultural Training Institute (ATI) sa proseso ng pagpili ng magiging learning site sa probinsya. Ito mismo ang magsisilbing lugar kung saan maipakikita ang pagsasagawa ng testing, adaptation gayundin ang ‘on-farm/on-coast demonstration of new, improved and climate-resilient technologies’ na pang-agrikultura at pangpalaisdaan base sa kanilang prayoridad na mga commodity.

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ni RTD Ferry katuwang ang Planning Division na pinamunuan ni Dr. Nex Basi sa tulong nina Planning Specialist Timoteo Borromeo at Philippine Rural Development Project (PRDP) Planning Officers Faith Janica Manalo at Gerely Llanos bilang resource speakers.

Kabilang din sa mga dumalo ang mga kawani at opisyal ng Agricultural Program Coordinating Office, Provincial Local Government Unit (PGO), Municipal Local Government Units (LGU), Philippine Coconut Authority (PCA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Marinduque State College (MSC). — Marinduquenews.com

Eleazar N. Selda, Jr.

Related posts