Pagsusuri sa mga barangay na naapektuhan ng ASF sa Marinduque, nagpapatuloy

BOAC, Marinduque — Tuluy-tuloy ang isinasagawang pagsusuri at monitoring ng Provincial Veterinary Office (PVO) sa mga barangay sa Marinduque na tinamaan ng African Swine Fever o ASF.

Ayon kay Dr. JM Victoria, Provincial Veterinarian, 90 araw na ang nakalilipas na walang naitatalang kaso ng ASF sa buong lalawigan kaya lubos ang kanilang pasasalamat sa mga mamamayan na nakiisa para tuluyang masawata ang paglaganap ng mapaminsalang sakit sa baboy.

Ang barangay Duyay at Tugos sa bayan ng Boac ay ilan lamang sa mga lugar na labis na nakaranas ng hagupit ng pesteng dumapo sa mga alagaing baboy.

Sa isinagawang pagsusuri sa mga nakolektang dugo sa mga baboy na nakaligtas sa epidemya, napatunayang negatibo na ang mga ito sa sakit na dulot ng ASF mula pa noong Disyembre matapos manalasa ang salot na ASF sa lalawigan noong Oktubre 27, 2021.

Ang mga bayan ng Sta. Cruz, Torrijos at Mogpog base sa resulta ng mga isinagawang monitoring at surveillance ay inererekomenda na ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo ng kalayaang magkaroon ng ‘local declaration’ ng ASF free status ayon sa mga panuntunan na ipinatutupad alinsunod sa Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry Administrative Order No. 30.

Samantala, hinihintay ng PVO ang mga kinatawan mula sa Agriculture Office sa mga bayan ng Boac, Gasan at Buenavista upang pag-usapan ang mga detalye kung anu-ano pa ang mga aktibidad na nararapat isagawa para tuluyang maideklara ang kanilang mga bayan na ganap nang ligtas sa ASF. — Marinduquenews.com

Related posts