5 MSME mula Marinduque, nakikiisa sa Food Fair sa Megamall

BOAC, Marinduque — Limang micro small and medium enterprises (MSME) mula sa lalawigan ng Marinduque ang kasalukuyang nakikiisa sa ginaganap na National Food Fair 2022 sa Mandaluyong City.

Kabilang sa mga kalahok ay ang Rejanos Bakery, Sisters Homemade Banana Chips, Heart of Islands Holding Inc., Marinduqueland Corp. at Rey’s Bakeshop.

Sa trade fair ay dala-dala ng Rejanos Bakery at Rey’s Bakeshop ang arrowroot cookies na paboritong pasalubong ng mga bakasyonista habang ang malutong at ipinagmamalaking chips na gawa sa saging ang tinda ng Sisters Homemade Banana Chips.

Sa booth ng Marinduque ay makikita rin ang mga tea na gawa sa dahon ng guyabano gayundin ang virgin coconut oil at masarap na polboron.

Ayon sa DTI, ang nasabing food fair ay magandang pagkakataon para maipakilala sa national at bigger market ang iba’t ibang ipinagmamalaking produkto ng bawat probinsya at rehiyon.

Ang national food fair na inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI) partikular ng Bureau of Domestic Trade Promotion sa pakikipagtulungan ng Regional Operations Group ay nagsimula noong Hunyo 1 at tatagal hanggang Hunyo 5.

Sa mga interesadong bumili ng mga lokal na pagkain at produkto, magtungo lamang sa Mega Trade Halls 1-3, 5th level ng Mega B sa SM Megamall siyudad ng Mandaluyong. — Marinduquenews.com

Related posts