Itatayong evacuation center sa Mogpog at Torrijos, kasado na

BOAC, Marinduque — Pormal nang nilagdaan ang kasunduan para sa itatayong evacuation center sa lalawigan ng Marinduque.

Personal na nagtungo sa tanggapan ni Sec. Eduardo Del Rosario ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) si Gov. Presbitero Velasco Jr. kasama ang iba pang opisyal ng lalawigan para pirmahan ang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng DHSUD at provincial government of Marinduque.

Nakapaloob sa MOA ang pagtatayo ng evacuation center, tig-isa sa bayan ng Mogpog at Torrijos na may kabuuang pondo na aabot sa P80 milyon.

“Patuloy na nagbubunga ang paglapit natin sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mabiyayaan tayo ng mga proyekto at programa na tunay na kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan,” pahayag ni Velasco.

Malaking tulong aniya sa panahon ng bagyo ang proyekto sapagkat magkakaroon ng pansamantala at ligtas na tirahan ang mga mamamayan sakaling tamaan ng kalamidad.

Dagdag pa ng gobernador, sinisikap din ng pamahalaang panlalawigan na makapagpagawa ng libreng pabahay sa ilalim ng DHSUD para matulungan na magkaroon ng tirahan ang mga mahihirap na residente gayundin ang makapagpatayo ng mga dormitoryo para sa mga mag-aaral.

Ang itatayong mga pasilidad ay bahagi ng hangarin ng kagawaran na magtatag ng disenteng pabahay at pagpapanatili ng ligtas na komunidad sa buong bansa kasama na ang pagpapalakas ng pangkalahatang paghahanda sa mga sakuna partikular sa mga lugar na madalas na tinatamaan ng kalamidad.

Lubos naman ang pasasalamat ni Velasco sa nasyunal na pamahalaan lalo’t higit sa tanggapan ng pananahanang pantao at pagpapaunlad ng kalunsuran.

Samantala, kabilang sa mga dumalo sa MOA signing sina Undersecretary Marylin Pintor, DHSUD-Mimaropa Regional Director Julius Enciso, Housing and Real Estate Development Regulation Bureau OIC-Director Angelito Aguila, Vice governor-elect Adeline Angeles, Mayor Augusto Livelo ng Mogpog, Provincial Planning and Development Coordinator Marian Cunanan at Eleuterio Raza Jr. na kumatawan kay Torrijos Mayor Lorna Velasco. — Marinduquenews.com

Related posts