Infant incubator, mechanical beds ipinagkaloob sa Marinduque Prov’l Hospital

BOAC, Marinduque — Tumanggap ng mga bagong kagamitang pangkalusugan ang Marinduque Provincial Hospital (MPH) kamakailan.

Kabilang sa mga medical equipment na ipinagkaloob sa MPH ay 9 na yunit ng mechanical bed na may mattress at bedside table, 2 sets ng infant incubator, 2 sets ng laryngoscope at 1 set ng minor surgical instrument.

Ang One Top Medical System ang nagbigay ng nasabing mga kagamitan na naging posible dahil sa ginawang koordinasyon ng Department of Health.

Kasabay ng turnover ceremony ay isinagawa ang inspection procedure na pinangunahan ni Delbert J. Madrigal, head ng inspection committee ng Provincial Department of Health Office (PDOHO) kasama sina Jose Elbert B. Lamboloto, miyembro ng Inspection Committee at iba pang kawani ng PDOHO Marinduque na si Sharisse T. Vitto.

Kaugnay nito, nagkaroon din ng kaukulang oryentasyon, demonstrasyon at pagsasanay sa mga empleyado ng Marinduque Provincial Hospital upang maturuan sa tamang paggamit ng mga nasabing medical equipment.

Siniguro naman ng DOH na laging nakaantabay at handang makiisa ang kanilang ahensya sa lokal na pamahalaan upang matugunan ang pangangailangang medikal ng bawat mamamayan gayundin para maibigay ang dekalidad na serbisyong pangkalusugang kailangan ng probinsya. — Marinduquenews.com

Related posts