Boac, tinututukan ng Prov’l Vet para masigurong ligtas sa ASF

BOAC, Marinduque — Patuloy na sinisikap ng Provincial Veterinary Office na masuri ang mga baboy sa bayan ng Boac sa kabila ng pagtanggi ng ilang mga residente roon.

Ayon kay Dr. Josue M. Victoria, provincial veterinarian, ito ay upang masiguro na ang mga baboy sa naturang munisipalidad ay ligtas sa African Swine Fever (ASF).

Sinabi pa ni Victoria, mahalaga na matiyak na ganap nang masupil ang mapaminsalang sakit na ASF sa pamamagitan ng ‘negative monitoring test’ mula sa dugo ng baboy sa mga barangay na dinapuan ng ASF virus para opisyal na maideklara ang buong Marinduque mula sa pagiging red zone status patungong pink status.

Sa ganitong paraan lamang aniya makapagsisimula ng ‘sentinelling’ at maramihang pag-aalaga ng baboy sa probinsya.

Dagdag pa ng panlalawigang beterenaryo, habang nananatli sa red zone status ang isla patuloy na isasailalim sa PCR test ang dugo ng mga baboy na iluluwas mula Marinduque patungo sa National Capital Region dahil ang mga magnenegatibo lamang sa pagsusuri ang papayagang mailuwas.

Matatandaan na ang mga bayan na lamang ng Boac at Gasan ang hindi pa naidedeklara bilang ASF free habang una ng nagkaroon ng ‘local declaration of ASF status’ ang mga munisipalidad ng Torrijos, Santa Cruz, Mogpog at Buenavista alinsunod sa mga alituntuning inilabas ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry. — Marinduquenews.com

Related posts