100 bangka, ipinamahagi sa mga mangingisda sa Marinduque

BOAC, Marinduque — Isang daang bangka ang ipinamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga mangingisda sa lalawigan ng Marinduque nitong Martes, Hunyo 7.

Ayon kay Gov. Presbitero Velasco Jr., malaki ang kanyang pasasalamat sa DOLE sapagkat napabilang ang probinsya sa mga nabigyan ng ahensya ng ganitong programa.

“Nagpapasalamat po ako kay Sec. Silvestre Bello III at kay Provincial Director Peter James Cortazar dahil hindi nila pinabayaan ang grupo ng mga mangingisda sa Marinduque,” ani Velasco.

Dagdag pa ng gobernador, patuloy na gumagawa ng paraan ang pamahalaang panlalawigan para maitaas ang kalidad ng pamumuhay ng mga nasa sektor ng pangisdaan.

Hinikayat din ni Velasco ang mga benepisyaryo na magdagdag ng kaalaman o iba pang skills ng sa gayon kapag masama ang panahon at hindi pwedeng pumalaot para mangisda ay mayroon silang maaari pang pagkakitaan.

“Pwede po kayong mag-enroll sa Tesda. Mag-aral po kayo ng pagmamaneho, libre po ito. Mayroon din pong ibinibigay na livelihood training ang DTI na tiyak na makatutulong sa inyo,” lahad pa ng provincial governor.

Ipinaliwanag naman ni Cortazar na ang mga bangkang ipinamahagi ay naging posible sa pakikipagtulungan ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco kung saan ito ay nagmula sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood program at pinondohan ng P6 milyon. — Marinduquenews.com

Related posts