Ginang sa Boac, kritikal matapos mabagsakan ng niyog

BOAC, Marinduque — Isang ginang ang kritikal matapos mabagsakan ng bunga ng niyog habang natutulog sa Barangay Canat, Boac.

Ayon kay Jemma Mascareñas, pamangkin ng biktima, bandang ala-una ng madaling araw nitong Linggo, Hunyo 12 habang natutulog ang kanyang tiyahin na si Mercedes Chavez, 75 anyos ay bumagsak ang isang puno ng niyog na tumama sa bahay ng pamilya Chavez.

“Nasa kasagsagan po ng tulog ang aking tiya kasama ang kanyang asawa nang biglang naputol ang isang puno ng niyog na malapit sa kanilang tahanan. Bumagsak po ito sa bubong ng kanilang bahay na nagresulta para lumusot ang bunga nito sa kanilang bubungan. Tinamaan po ng bunga nito si tiya,” pahayag ni Mascareñas.

Agad umano itong dinala sa Marinduque Provincial Hospital ngunit pinayuhan na dalhin sa isang ospital sa Batangas para doon ipagpatuloy ang gamutan.

Dahilan sa kakapusan ng perang ipantutustos kay Nanay Mercedes, nananawagan ng tulong ang pamilya sa mga may mabubuting kalooban.

Maaari itong ipadala kay Jemma Mascareñas sa GCash No.: 0912-689-1378. — Marinduquenews.com

Related posts