Produksyon ng tsokolate sa Marinduque, nais palakasin ng DTI

SANTA CRUZ, Marinduque — Nais ng Department of Trade and Industry (DTI)-Marinduque na palakasin at paunlarin ang produksyon ng lokal na tsokolate sa probinsya.

Dahil dito, nag-organisa ng tatlong araw na ‘Skills Upgrading on Improvement and Innovation of the Traditional Cacao Processing and Chocolate Making’ ang ahensya.

Nakagawa ng pitong chocolate variants ang mga nakiisa sa pagsasanay kabilang na ang ganache o uraro cookies na may chocolate coat, bonbons, truffles, milk chocolate, chocolate na hinaluan ng coconut sugar, choco spread at dark chocolate.

Ang raw materials na ginamit sa paggawa ng nasabing mga variant ay ani mula sa tanim ng mga cacao farmer sa Marinduque.

Dinaluhan ng 15 indibidwal ang nasabing pagsasanay na isinagawa sa Barangay Masalukot, bayan ng Santa Cruz, kamakailan.

Samantala, ayon sa Statista, isang kumpanyang nagsasaliksik at nagbibigay ng consumer data sa global market, tinatayang aabot sa 7.3 milyon tonelada metriko ang nakukunsumo sa buong mundo, taun-taon. — Marinduquenews.com

Related posts