Marinduque, nakararanas na ng ‘dengue outbreak’

BOAC, Marinduque — Patuloy na tumataas ang bilang ng mga naitatalang kaso ng dengue sa Marinduque sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Dr. Gerardo Caballes, provincial health officer na umabot na sa 132 ang bilang ng dengue cases na naitala sa buong probinsya.

“Ang tingin namin ay may outbreak na ng dengue dito sa Marinduque dahil lahat ng bayan ay may significant cases, kumpara sa datus na naitala noong isang taon,” ani Caballes.

Aniya, noong 2021 ay 14 na kaso lamang ng dengue ang naitala ng Provincial Health Office sa buong Marinduque.

Sa kasalukuyan, may 41 na kaso ang naitala sa bayan ng Buenavista, 38 sa Santa Cruz, 25 sa Boac, 13 sa Mogpog, walo sa Torrijos at anim sa Gasan habang isa naman ang nasawi dahil sa dengue.

Samantala, tiniyak naman ng provincial health officer na patuloy na paiigtingin ang fogging activities sa mga lugar na may ‘increasing trend’ para wasakin ang breeding sites ng mga lamok.

Pinaaalalahan din ang publiko na paigtingin ang pag-iwas sa sakit na dengue sa pamamagitan ng paglilinis ng kapaligiran at iwasan ang pag-iimbak ng tubig na maaaring pamugaran ng lamok. — Marinduquenews.com

Related posts