Guro sa Marinduque, gumuguhit ng portraits ng mga estudyante

Hinangaan ng mga netizen ang isang guro mula sa Torrijos, Marinduque dahil sa kakaibang regalo na ibinigay sa kanyang mga magtatapos na mag-aaral.

Bagama’t halos ubos ang oras sa paghahanda ng lesson plan at karampot na perang natitira mula sa sweldo sa pagtuturo, nakuha pang gumuhit ng portrait ni Teacher Hermelyn Pimentel para sa kanyang mga estudyante.

Si Teacher Hermelyn habang iginuguhit ang mga mukha ng kanyang mga estudyante. (Screengrabbed mula sa KMJS)

“Pangarap ko po kasi talagang maging teacher. Pero ‘yung pagguguhit, nasa puso ko talaga. Kaya dinala ko ‘yun hanggang sa pagtuturo. Doon ko naisipang mag-drawing ng portraits ng mga bata at ibigay ‘yun sa kanila pagkatapos ng taon, parang souvenir,” ani Teacher Hermelyn.

Si Pimentel na isang guro sa Sibuyao Elementary School ay isa ring ulirang ina sa kanyang dalawang taong anak na si Athena.

Si Teacher Hermelyn habang inaalagaan ang kanyang anak na si Athena.

Aniya, “Challenging din po dahil bukod sa pagiging guro ay isa rin po akong magulang. Pag lunch break, saka ko lamang naisisingit ang pagguhit.”

Dagdag pa ng maestra, ginagawa n’ya ito para magsilbing inspirasyon at alaala ng kanyang mga tinuruang mag-aaral.

Ang mga portrait na iginuhit ni Teacher Hermelyn.

“Kung balang araw kasi na magtatagumpay sila sa kanilang mga pangarap, kapag nakita po nila ‘yung portrait, maaalala nila ‘yung mga gurong naging bahagi ng tagumpay na iyon,” madamdaming pahayag ni Teacher Hermelyn.

Una nang hinangaan ng mga kakilala at kaibigan si Pimentel dahil bagama’t mahirap ang pamilyang pinagmulan, nagsikap itong kumuha ng Bachelor of Elementary Education at noong 2016, naging top notcher ito sa Licensure Examination for Teachers (LET).

Larawan ni Teacher Hermelyn noong magtapos ito ng Bachelor of Elementary Education.

Sa kasalukuyan ay umabot na sa 200 portraits ang nagawa ng maestra at patuloy aniya siyang guguhit at magpipinta hangga’t kaya n’ya.

“Para sa aking mga estudyante, gustung gusto ko ring ipaalam na marami rin akong natutunan sa inyo. Bilang inyong naging guro, hinihiling din sana namin sa inyo na huwag n’yo kaming kalimutan,” pagtatapos ng viral teacher.

Related posts