DOLE-Marinduque lumipat na sa bagong opisina

BOAC, Marinduque (PIA) — Upang mabigyan ng maalwan at maayos na espasyo ang mga kliyente, isinagawa kamakailan ang pagbabasbas at pormal na inagurasyon ng bagong opisina ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Marinduque.

Ang pagbebendisyon sa mga silid at pasilidad ng naturang gusali ay isinagawa ni Rev. Fr. Juan Pedro M. Recalde Jr., rector ng Diyosesis ng Boac.

Pinangunahan naman ni Acting Field Office Head Philip T. Alano at Senior Labor and Employment Officer Marjun S. Moreno ang ceremonial ribbon cutting.

Sa opisyal na pagbubukas ng gusali ay malugod na tinanggap ni Alano ang mga kawani at panauhin ng DOLE.

Ipinaabot rin n’ya ang pasasalamat sa lahat ng mga nagbigay ng oras at sakrispisyo para maging posible ang bagong tanggapan.

Pinaalalahanan din ng hepe ng DOLE-Marinduqe ang mga kawani, na sa pagkakaroon ng maayos na opisina, ay doblehin din dapat ang mahusay na paglilingkod sa mga mamamayan.

“Ang pagpunta natin dito ay hindi lamang para magkaroon ng malaking opisina at maging komportable ang ating mga kliyente bagkus sinimulan natin ‘yong pagbabago ng isang pamayanan na simple pero umuusbong. Mula sa pagbabagong ito, sa tingin ko, may mga susunod pang establisyemento na susulpot para magkaroon pa ng patuloy na pag-unlad sa pamayanang ito. At masasabi natin balang araw, na tayo ang nagsimula ng pagbabagong ito,” pahayag ni Alano.

Ang bagong tanggapan ng DOLE-Marinduque ay matatagpuan sa Zone 2, Barangay Tabi, Boac kung saan kasama ring lumipat ang opisina ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). (RAMJR/PIA MIMAROPA)

Related posts