Mga alagaing hayop, umpisa ng ipinamahagi ng Marinduque Prov’l Gov’t

MOGPOG, Marinduque — Sinimulan na ang pamamahagi ng mga alagaing hayop sa mga benepisyaryo ng livelihood program ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque.

Sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office (PVO) ay umpisa ng ipinagkaloob sa mga mapapalad na benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay ang mga alagaing hayop kabilang ang 20 kalabaw, 20 baka, 25 kabayo at 300 kambing.

Ayon kay Dr. JM Victoria, provincial veterinarian, layunin ng programa na suportahan at bigyan ng karagdagang kabuhayan ang mga tumanggap ng nabanggit na hayop gayundin upang matugunan ang kakulangan sa pagkain at patuloy na pagtaas ng presyo ng karne sa mga pamilihan.

“Ang inisyatibang ito ay bahagi ng livelihood support at economic stability program ng Marinduque Provincial Government para sa mga maralitang pamilya sa probinsya,” ani Victoria.

Dagdag pa ng panlalawigang beterinaryo, sinisiguro aniya ni Gov. Presbitero Velasco Jr. na ang bawat mamamayang Marinduqueno ay magkakaroon ng pantay na oportunidad na magmay-ari ng mga alagaing hayop na makatutulong sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan.

Una nang nabigyan ng mga alagaing hayop ang mga benepisyaryo mula sa bayan ng Boac, Buenavista at Gasan habang ang nabanggit na 365 livestock ay nakalaan naman para sa mga residente ng Santa Cruz, Torrijos at Mogpog. — Marinduquenews.com

Related posts