Pagbisita sa mga kweba sa Marinduque, ipinagbabawal

BOAC, Marinduque — Pansamantalang ipinagbabawal ang pagbisita at pagpasok sa lahat ng mga kweba sa lalawigan ng Marinduque.

Ito ay base sa abiso na inilabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Marinduque kasunod ng magnitude 7.3 na lindol na yumanig sa Northern Luzon nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon kay Imelda Diaz, OIC-provincial environment and natural resources officer, simula Hulyo 27 ay hindi papayagang pumasok sa mga kweba sa probinsya ang sinumang turista o indibidwal para masiguro ang kanilang kaligtasan.

“Ang anumang caving exploration o paglapit sa mga pasukan ng kweba ay hindi pinahihintulutan sa kasalukuyan sapagkat may nakaambang panganib sa mga lugar na ito sanhi ng natural phenomena,” ani Diaz.

Nakapaloob din sa kalatas na maaaring isumbong o ipagbigay alam sa kanilang tanggapan ang sinumang mamamayan na lalabag dito. — Marinduquenews.com

Related posts