Parking gagawing requirement sa pagbili ng sasakyan

BOAC, Marinduque — Naghain ng panukala si dating Speaker at incumbent Marinduque Rep. Lord Allan Velasco upang maging requirement sa pagbili ng bagong sasakyan ang pagkakaroon ng parking area.

Sa kanyang House Bill 31, sinabi ni Velasco na lilimitahan ang pagpapatupad ng kanyang panukala sa mga metropolitan area kung saan marami ang bumibiyaheng sasakyan.

“While traffic congestion can be the result of a myriad of causes, the same is exacerbated by car owners who routinely use public roads as parking spaces. When roads become parking lots, there will be longer trip lines and increased vehicular queuing,” sabi ni Velasco sa explanatory note ng panukala.

Sa ilalim ng panukala, sinumang tao na ang address ng bahay o negosyo ay nasa metropolitan area gaya ng Metro Manila, Angeles, Bacolod, Baguio, Batangas, Cagayan de Oro, Cebu, Dagupan, Davao, Iloilo, Naga, at Olongapo, na bibili ng sasakyan ay kailangang mag-execute ng affidavit na mayroon itong paparadahan ng bibilhing sasakyan.

Ang affidavit ay ipanonotaryo at isusumite sa Land Transportation Office upang maiparehistro ang sasakyan.

Ipapawalang-bisa ang rehistro ng sasakyan kung mapatutunayan na hindi totoo na mayroong parking space ang may-ari nito. Ang may-ari ay pagbabawalan din na makapagrehistro ng sasakyan sa ilalim ng kanyang pangalan sa loob ng tatlong taon at multang P50,000 sa bawat paglabag.

Ang empleyado o opisyal ng LTO na pumayag na maiparehistro ang isang sasakyan kahit na walang parking ang may-ari, o hindi nag-imbestiga kahit na kaduda-duda ang mga isinumiteng dokumento ay masususpendi ng tatlong buwan ng walang suweldo.

Ang parusa ay bukod pa sa ibang kaso na maaaring kaharapin sa ilalim ng Revised Penal Code at iba pang batas.

This story was first published on Abante.

Related posts