74 employer sa Marinduque, dumalo sa ‘new wage orientation’ ng DOLE

BOAC, Marinduque — Umabot sa 74 na mga manggagawa at may-ari ng mga pribadong establisyemento at ahensya sa Marinduque ang dumalo sa ‘face-to-face orientation’ na inorganisa ng Department of Labor and Employment (DOLE), kamakailan.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ay ang bagong wage order sa Mimaropa, fire safety, social benefits at iba pang memorandum orders na inilabas ng ahensya na may direktang epekto sa mga kawani at employer partikular ang ‘Safe Spaces Act’ at ang ‘implementing rules and regulations’ nito laban sa Gender-Based Sexual Harassment (GBSH) sa lugar ng trabaho.

Ayon kay Romeo E. Opis, board secretary ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) at isa sa mga naging resource speaker sa naturang gawain, nakapaloob aniya sa Wage Order No. RB-Mimaropa 10 na simula Hunyo 10, 2022, ang mga pribadong kumpanya sa rehiyon na mayroong humigit 10 empleyado ay dapat magpasahod ng minimum wage rate na ₱355 mula sa dating ₱320 habang ang mga establisyemento na may mga manggagawa na hindi tataas sa 10 ay inaatasang magpasweldo ng ₱329 mula sa dating ₱294 na minimum wage rate.

Samantala, ipinaliwanag din sa mga employer na dapat ay aktibo ang paghuhulog sa kontribusyon ng mga manggagawa pagdating sa Social Security System, PhilHealth at Pag-IBIG.

Ang isinagawang oryentasyon ay alinsunod sa programa ng DOLE sa ilalim ng Labor and Employment Education Services (LEES) na naglalayong pataasin ang kamalayan sa mga karapatan at responsibilidad ng mga kawani at employer gayundin upang madagdagan ang kanilang kaalaman sa mga tamang asal sa trabaho at pagpapahalaga sa gampanin ng bawat isa nang sa gayon ay mapanatili ang isang ligtas at maayos na pook-gawaan o working environment. — Marinduquenews.com

Related posts