DTI, nagbigay ng livelihood kits sa mga MSME sa Marinduque

GASAN, Marinduque — Muling umarangkada ang programa ng Department of Trade and Industry (DTI) na Pangkabuhayan sa pag Bangon at Ginhawa (PBG) sa probinsya ng Marinduque, kamakailan.

Ayon kay Joel Valera, regional director ng DTI-Mimaropa, layon ng inisyatiba na matulungang makabalik at makabangon ang mga micro small medium enterprises (MSME) na lubhang tinamaan ng COVID-19 pandemic.

“Sa pamamagitan ng programang Pangkabuhayan sa pag Bangon at Ginhawa, nagbibigay ang DTI ng libreng goods o paninda sa mga maliliit na negosyante para maibalik ang kanilang mga negosyo na naapektuhan ng pandemya,” anang regional director.

Si Valera ay nagtungo sa Marinduque para personal na ibigay sa mga benepisyaryong MSME ang naturang mga livelihood kits na nagkakahalaga nang humigit P8,000 kada grocery package.

Umabot sa 62 na maliliit na negosyante ang nabiyayaan ng PBG kung saan 12 ang nagmula sa Torrijos, 28 sa Gasan habang 22 naman sa Buenavista.

Samantala, bago ang pamimigay ng mga grocery package ay nagsagawa muna ang DTI ng seminar hinggil sa Entrepreneurial Mind-Setting at Small Business Corporation orientation.

Sa pagtatapos ay binigyang diin ni Roniel Macatol, provincial director ng DTI-Marinduque na ang naganap na distribusyon ay pang-apat na beses na nilang ginawa sa buong lalawigan. — Marinduquenews.com

Related posts