Sagip Buhay Program, inilunsad sa Marinduque

BOAC, Marinduque — Kasabay ng pagdiriwang ng National Blood Donors Month, inilunsad ng Marinduque Provincial Hospital (MPH) ang Sagip Buhay Program, kamakailan.

Ayon kay Provincial Administrator Vincent Michael Velasco na kumatawan kay Gov. Presbitero Velasco Jr, layunin ng programa na magkaroon ng sapat na suplay ng dugo sa probinsya para hindi na lumawas o mag-angkat pa ang mga residente kung sakaling mangailangan ang mga ito.

“Blood donation is an act of love. Napakasarap ng pakiramdam ng nakatulong ka upang maisalba ang buhay ng ibang tao, kaya sa pamamagitan ng programang ito, magiging madali na para sa mga donor ang magdonate ng kanilang mga dugo,” ani PA Velasco.

Ipinabatid naman ng punong panlalawigan ang pasasalamat sa mga blood donor sa kanilang inisyatibo upang maging instrumento ng pagsasalba ng buhay ng mga mamamayan na nanangangailangan ng dugo.

Dinaluhan nina Dr. Raymond Sulit, direktor ng MPH, Dr. Gerry Caballes, head ng Provincial Health Office, Vice Governor Adeline Angeles at mga manggagamot at kinatawan mula sa panlalawigang ospital at Provincial Blood Council gayundin ang iba pang healthcare worker ang naturang pagpapasinaya. — Marinduquenews.com

Related posts