7,183 benepisyaryo ng DOLE-Tupad sa Marinduque, nagsimula na sa serbisyo

BOAC, Marinduque — Nagsimula nang tumupad sa kanilang mga tungkulin bilang mga bagong benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced workers o TUPAD ang may 7,183 na indibidwal sa buong probinsya ng Marinduque.

Sa unang araw ng pagbibigay serbisyo ay nagsagawa ng oryentasyon at paglagda sa kani-kanilang mga kontrata ang mga benepisyaryo na pinangunahan ni Provincial Administrator Vincent Michael Velasco kasama ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga kawani ng pamahalaang panlalawigan.

Kasabay nito inatasan ni Gov. Presbitero Velasco Jr. ang mga Tupad worker na maglinis sa mga barangay na kanilang nasasakupan partikular ang mga kanal na maaaring pamugaran ng mga lamok na nagdudulot ng sakit na dengue.

Pinagtatanim din ang mga benepisyaryo ng puno para maiwasan ang pagguho ng lupa at matinding pagbaha.

Inaasahan din ng gobernador ang mga Tupad worker na gumawa ng ‘community garden’ para may mapagkukunan ng mga sariwang gulay at prutas ang mga mamamayan sa bawat barangay.

“Batid natin na sa panahon ngayon ay kailangan magkaroon ng alternatibong pagkakakitaan kung kaya’t pinipilit nating makakalap ng pondo upang mailaan sa ating mga kababayan,” pahayag ni Gov. Velasco.

Sa ilalim ng Tupad program, inaasahan ng pamahalang pambayan at panlalawigan na magiging kaisa ang mga benepisyaryo sa kampanya sa pagsulong ng kalinisan sa buong Marinduque sa loob ng sampung araw na kanilang pagtatrabaho. — Marinduquenews.com

Related posts