BFP-Marinduque, muling tinanghal na Best Provincial Office

BOAC, Marinduque — Muling itinanghal ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Marinduque bilang Best Provincial Office sa buong rehiyon ng Mimaropa.

Nakakuha ng pinakamataas na rating sa “search for best provincial office for calendar year 2022” na isinagawa ng BFP-Mimaropa Regional Office dahilan upang masungkit ng BFP-Marinduque ang parangal.

Ang ‘plaque of recognition’ ay iginawad at personal na tinanggap ni Chief Inspector Herald R. Castillo, acting provincial fire director ng BFP-Marinduque kasabay nang ika-31 taong anibersaryo ng Kawanihan ng Pagtatanggol sa Sunog na may temang ‘Bumberong Makabayan, Modernong Serbisyo Alay sa Mamamayan’ na ginanap sa Regional Headquarters, Pinamalayan, Oriental Mindoro kamakailan.

Ayon kay Castillo, nagpapatunay lamang na ang mga bumbero sa Marinduque ay masigasig na tumutupad sa sinumpaang tungkulin ng may husay, talino, katapatan at integridad.

Matatandaan na sa nakalipas na tatlong taon, mula 2019 hanggang 2021 ay nakuha rin ng BFP-Marinduque ang kaparehong parangal at pagkilala. — Marinduquenews.com

Related posts