Mga magniniyog sa Marinduque, dumalo sa information caravan

BOAC, Marinduque — Sinimulan na ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA)-Agricultural Training Institute (ATI)-Mimaropa ang information caravan hinggil sa Coconut Farmers and Industry Development Plan o CFIDP sa lalawigan ng Marinduque ngayong araw, Agosto 31.

Ayon kay Provincial Administrator Vincent Michael Velasco na tumayong kinatawan ni Gov. Presbitero Velasco Jr. layunin ng gawain na maipaliwanag at mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga magniniyog tungkol sa CFIDP.

“Sa araw na ito ay mabibigyan tayo ng kamalayan para mapataas ang kita, produksyon at competitiveness ng ating mga magniniyog ng sa gayon ay mapagaan ang kahirapan at maabot ang pagkakapantay-pantay sa lipunan,” ani PA Velasco.

Ang CFIDP ay binuo kasunod ng paglagda sa Republic Act No. 11524 na mas kilala bilang Coconut Farmers and Industry Fund Act na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 26, 2021 at naaprubahan ang plano sa pamamagitan naman ng Executive Order No. 172.

“Sa ilalim ng batas na ito ay malalaman natin kung ano ang mga benepisyo, programa, proyekto at serbisyo na maaaring matanggap ng mga coconut farmer na lubos na makatutulong sa pagpapayabong ng sektor ng pagsasaka,” dagdag ng panlalawigang administrador.

Humigit 40 na coconut farmers mula sa anim na munisipalidad ang dumalo sa nasabing information campaign na naghahangad ng isang masagana, matatag at progresibong industriya ng niyog sa bansa. — Marinduquenews.com

Related posts