691 mangingisda sa Marinduque, tumanggap ng fuel subsidy

TORRIJOS, Marinduque (PIA) — Umabot sa 691 na mga mangingisda sa Marinduque ang napagkalooban ng fuel subsidy mula sa Department of Agriculture (DA) katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ang pamahalaang panlalawigan, kamakailan.

Ayon kay Provincial Administrator Vincent Michael Velasco, malaki ang pasasalamat ng probinsya sapagkat tuluy-tuloy ang biyayang natatanggap ng mga magsasaka at mangingisda mula sa DA-Mimaropa.

“Sunud-sunod ang buhos ng mga biyaya mula sa ating kaagapay sa mga gawaing pang-agrikultura at pagpapaunlad ng sektor na ito,” pahayag ni Velasco.

Sa pamamagitan aniya ng mga programa, subsidiya, interbensyon at iba pang mga farm input ay napagagaan ang mga nararanasang malawakang problema na kinakaharap ng mga magsasaka at mangingisda sa probinsya.

Samantala, ang nasabing mga mangingisda ay tumanggap ng halagang P3,000 kada benepisyaryo.

Napagkalooban naman ng pinansyal na tulong na nagkakahalaga ng P5,000 ang may 269 na mga magsasaka habang 19 na magtatanim ng mais ang nabigyan ng corn fuel subsidy na may halagang P3,000 bawat isa. (RAMJR)

Related posts