Ika-28 taong pagkakatatag ng TESDA, ipinagdiwang sa Marinduque

BOAC, Marinduque — Naging masaya at makabuluhan ang ginawang pakikiisa ng mga opisyal at kawani ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-Marinduque sa ika-28 taong pagkakatatag ng ahensya na may temang ‘Sulong sa Makabagong Trabaho’.

Inumpisahan ang isang linggong selebrasyon sa pamamagitan ng Tree Planting Activity sa Barangay San Isidro, bayan ng Santa Cruz kung saan ay nagkaloob ang Department of Natural Resources (DENR)-Marinduque nang 100 puno ng narra para maging matagumpay ang gawain.

Kaalinsabay nito, nagsama-sama ang lahat ng Private Technical Vocational Institutions (TVIS), TESDA Training Institutions (TTIS) at TESDA Provincial Office sa kauna-unahang TVET Synergy 2022 na may paksang ‘TVET Marinduque: Stronger Together’ na ginanap sa Torrijos School of Arts and Trades o TPSAT.

Ayon kay Zoraida Amper, provincial director ng TESDA-Marinduque, ang naturang inisyatiba ay magandang pagkakataon upang magkaroon ng panahon na magsama-sama at magkakilanlan ang mga indibidwal na bumubuo sa TVET nang sa gayon ay mapanatili ang maayos na samahan at pagkakaisa.

Sa araw ring iyon ay ipinakilala ang mga nanalong institusyon para sa ‘Success Story Contest: Tagumpay Mo Ivlog Ko at Tiktok Challege: Skills Mo, Itiktok Mo.

Samantala, ang sabayang pagdaraos ng World Café of Opportunities ay ginanap sa mismong araw ng anibersaryo, kung saan ay nagkaroon ng Online o Virtual Job Facilitation para sa mga alumni ng TESDA.

Limang kumpanya para sa online job facilitation at tatlong establisyemento para sa face-to-face ang natulungan ng TESDA Marinduque Provincial Office.

Sa huling araw ng linggo, idinaos naman ang Evening of Stars na isinagawa sa Buyabod School of Arts and Trade (BSAT) na nagsilbing oportunidad para kilalanin at parangalan ang mga empleyado na nagbigay ng natatanging kontribusyon sa organisasyon.

“Hangad namin dito sa TESDA-Marinduque na mapahusay at mapalawak ang mga serbisyo at programa tungo sa ibayong paghubog ng yamang tao para sa mas maunlad na pamayanan,” pagwawakas na pahayag ng panlalawigang direktor. — Marinduquenews.com

Related posts