Mga Marinduqueno, hinihikayat magparehistro sa PhilHealth

BOAC, Marinduque — Hinihikayat ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang mga mamamayan ng Marinduque na hindi pa miyembro, na magparehistro sa lalong madaling panahon.

Ito ang naging sentro ng pakikipagpulong ng mga opisyales ng PhilHealth-Mimaropa sa pangunguna ni Regional Vice President Jerry Ibay kay Gov. Presbitero Velasco Jr., kamakailan.

Sa naturang pagpupulong ay ipinabatid ni Ibay sa punong lalawigan na mag-uumpisa na ang pagrerehistro sa lahat ng mga residente sa buong lalawigan sa pamamagitan ng iba’t ibang Rural Health Units (RHU) alinsunod sa Universal Health Care (UHC) Law.

Nakapaloob sa Batas Kalusugan Pangkalahatan na ang mga walang kapasidad maghulog ng kontribusyon ay maaaring magparehistro at magkaroon ng libreng PhilHealth coverage sa pamamagitan ng pag-aapply bilang miyembro sa ilalim ng Financially Incapable o FI category.

Dahil dito ay hindi na aalalahain ang pagbabayad sa kontribusyon dahil sponsored o libre na itong babayaran ng gobyerno upang makatanggap ng mga benepisyong pangkalusugan.

Samantala, hinihikayat din ang kasalukuyang mga miyembro ng PhilHealth na magparehistro sa E-KonSulTa (Konsultasyong Sulit at Tama) Program.

Sa pamamagitan ng nasabing programa, hindi lamang confinement ang sasagutin ng PhilHealth bagkus ay kasama na rin ang out-patient services ng mga accredited service providers. — Marinduquenews.com

Related posts