2,800 alagaing kambing ipinamahagi ng Marinduque prov’l gov’t

BOAC, Marinduque — Bakas sa mukha ang kasiyahan ng mga benepisyaryo na tumanggap ng mga alagaing kambing mula sa pamahalaang panlalawigan ng Marinduque, kamakailan.

Sa pamamagitan ng ‘livelihood dispersal program’ ng Provincial Veterinary Office, personal na ipinamahagi ni Gov. Presbitero Velasco Jr. ang nasa 2,800 na ‘upgraded island born goat’ sa may 1,400 na benepisyaryo mula sa iba’t ibang bayan sa probinsya.

Ayon kay Velasco, magandang pagkakataon ito para mabigyan ng karagdagang hanapbuhay ang mga mamamayang lubhang naapektuhan ng pandemya.

Nagpaalala rin ang gobernador, na kailangang alagaang mabuti at paramihin ang nasabing mga hayop.

“Importante pong mabuhay at maparami ang mga kambing na ipinagkaloob namin sa inyo para ‘yong mga magiging anak nito ay maibibigay naman sa iba pa nating mga kababayan,” ani Velasco.

Samantala, ipinaliwanag ni Dr. Josue Victoria, provincial veterinarian na responsibilidad ng ‘recipient’ na magbalik ng dalawa bawat inahain na siyang ipamamahagi sa mga susunod na benepisyaryo.

Lubos naman ang pasasalamat ni Arlyn Gupit, 32 anyos mula sa Barangay Dili, Gasan sapagkat isa siya sa mga nakatanggap ng dalawang inahing kambing. — Marinduquenews.com

Related posts