Marinduque Prov’l Gov’t namahagi ng mga baka, kalabaw

BOAC, Marinduque — Muling namahagi ng mga alagaing hayop sa mga benepisyaryo ng livelihood program ang Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque, kamakailan.

Ayon kay Gov. Presbitero Velasco Jr., aabot na sa 50 dumalagang baka, 20 dumalagang kalabaw at 2,800 na inahing kambing ang naibigay sa mga benepisyaryo sa ikalawang yugto ng livestock dispersal program.

“Malaking tulong ang programang ito upang mabigyan ng alternatibong kabuhayan at pagkakakitaan ang ating mga kababayan,” ani Velasco.

Samantala sinabi ni Randy Largo, Dispersal Officer ng Provincial Veterinarian Office (PVO) na ang mga ipinamahagi ay para sa mga bayan ng Boac, Gasan, Mogpog, at Buenavista habang ang mga natitira ay idaragdag para sa ipamimigay sa mga munisipalidad ng Torrijos at Santa Cruz.

Nagpaalala rin si Largo na kapag matamlay ang mga alagang hayop ay agad na ipagbigay alam sa PVO para mabigyan ng bitamina, mapuntahan at magamot anuman ang kondisyon ng mga ito.

Ipinaabot naman ni Anthony Mabunga, 32 anyos, mula sa Barangay Caingangan, Buenavista at Delfin Magahis, 70 anyos, residente ng Barangay Mataas na Bayan, Mogpog ang kanilang lubos na pasasalamat sa natanggap na anila’y napakalaking tulong para sa kanilang kabuhayan at dagdag kita para sa kanilang pamilya. — Marinduquenews.com

Rjay N. Montenegro
Latest posts by Rjay N. Montenegro (see all)

Related posts